6 na pedestrian sugatan sa kotse

Filed under Balita, Nacional / Metro Balita RSS RSS Feed

Isasailalim sa inquest proceedings sa Las Piñas City Prosecutor’s Office ang isang motorista nang aksidenteng mabangga ang anim na pedestrian sa lungsod, kahapon ng umaga.

Sasampahan ng kasong reckless imprudence resulting to multiple physical injuries si Clark Joshua Aquino, nasa hustong gulang.

Nasa maayos nang kondisyon ang mga biktimang sina John Arcete, Roque Arcete, Mark Adelan, Oyen Mendoza, Nino Dante at Irene Borlagdan, pawang nasa hustong gulang, na nagtamo ng galos at pasa sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Sa inisyal na ulat na ipinarating ni Chief Supt. Tomas Apolinario, director ng Southern Police District (SPD), naganap ang aksidente sa kahabaan ng Daanghari Road, Las Piñas City, bandang 6:30 ng umaga.

Tumatawid ang mga biktima sa lugar nang mawalan umano ng kontrol si Aquino sa minamanehong Mitsubishi Mirage, at tuluyang nabangga ang mga biktima.

Agad rumesponde ang Las Piñas Rescue Team at isinugod ang mga biktima sa ospital.
Nagkusang sumuko sa awtoridad si Aquino.

Bella Gamotea