12 arestado sa P1-M shabu, baril

Filed under Balita, Nacional / Metro Balita RSS RSS Feed

Tinatayang nasa P1 milyong halaga ng umano’y shabu at baril ang nakumpiska sa 12 katao sa buy-bust operation sa Pasay City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ang mga suspek na sina Jackielyn Reyes y Lao, 46; Van De Leon y Torres, 49; Joselito Elvina y Manuel, 58; Miguel Acedello y Chan, alyas Jun, 56; Darwen Castalone y Crisologo, alyas Darwen, 42; Maricris Alipio y Nava, alyas Mari, 27; Michael Mendoza y Torres, alyas Michael, 51; Delfin Madeja y Javier, alyas Waway, 29; Sonia Cordal y Francia, 41; Rosemary Arevalo y Lopez, alyas Rose, 46; Marilou Malay y Santiago, alyas Malou, 46; at Rowena Rodelia y Pasa, alyas Weng, 50.

Sa ulat ni Senior Supt. Noel Flores, hepe ng Pasay City Police, kay Southern Police District (SPD) Director Tomas Apolinario, Jr., nagsagawa ng buy-bust operation ang Station Drug Enforcement Team (SDET), sa pangunguna ni Senior Insp. Maynard Pascual, sa bahay ng target na suspek na si Reyes sa 159 Estrella Street, Barangay 14 sa naturang lungsod, dakong 2:30 ng madaling araw.

Binentahan umano ni Reyes ng shabu, sa halagang P1,000, ang isang pulis na poseur buyer at tuluyang inaresto.
Hindi rin nakapalag sa awtoridad ang 11 pang drug suspects na kasabwat umano ni Reyes sa ilegal na gawain nang madatnan ang mga ito sa loob ng nasabing bahay.

Nasamsam sa mga suspek ang 52 pakete ng umano’y shabu, na may street value na P1 milyon; P1,000 buy-bust money; at isang caliber .9mm ARMSCOR na may serial number 1224795.

Kasalukuyang nakakulong ang mga suspek sa Pasay City Police at nahaharap sa kasong paglabag sa Sections 5, 7, 11, 13 at 14 ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 (RA 9165) at Comprehensive Law on Firearm and Ammunitions (RA 10591).

Bella Gamotea