Mandurukot inaresto ng bystanders

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

Sa tulong ng ilang bystanders, naaresto ang umano’y mandurukot matapos nitong biktimahin ang isang babaeng estudyante sa Makati City, kamakalawa ng hapon.

Kinilala ang inaresto na si Christian Alagao Ocumen, 34, ng 1338 Gana Compound, Barangay Unang Sigaw, Balintawak, Quezon City .

Ang biktima naman ay si Jewelle Gallardo Tan, 18, ng Ebony Street, Multinational Village, Moonwalk, Parañaque City.

Sa ulat ng Makati City Police, naganap ang pandurukot sa Ayala Triangle, Ayala Avenue, Bgy. Bel- Air ng naturang lungsod, bandang 5:45 ng hapon.

Ayon kay Tan, papasakay siya sa bus nang maramdamang may tumangay sa kanyang cell phone at humingi ng tulong kaya naging agaw-pansin sa mga bystander na silang dumakma sa suspek.

Nabawi kay Ocumen ang cell phone ng biktima at ilan pang cell phone na pinaniniwalaang ninakaw din nito.

Nahaharap ang suspek sa kasong theft (pickpocket) sa Makati Prosecutor’s Office.

-Bella Gamotea