Holdaper tigok sa engkuwentro

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

Patay sa engkuwentro ang isang robbery-holdup suspect matapos nitong tangayin ang bag ng isang call center agent habang nakatakas ang kanyang kasabwat sa Parañaque City, kahapon ng madaling araw.

Ayon sa Southern Police District (SPD), hindi pa tukoy ang pagkakakilanlan ng nasawing suspek.

Sabi ni SPD spokesperson, Supt. Jenny Tecson, nakasaad sa police report na bago ang engkuwentro ay nagpasaklolo si Kimberly Flores, 25, ng Meiyen Street, Park View Homes, Barangay Sun valley, Parañaque City, sa mga nagpapatrulyang pulis na nagsasagawa ng “Oplan Sita”.

Ayon kay Tecson, nang makita ni Flores sina PO2 Mark Gil Fabricante at PO1 Christian Aaron Earl ng Police Community Precint-2 ay nagpatulong ito at sinabing habang siya ay naglalakad sa Sucat Road, malapit sa tanggapan ng DPWH sa Bgy. San Antonio, ay sumulpot ang dalawang lalaking lulan sa motorsiklo at tinangay ang kanyang bag.

Hinabol ng awtoridad ang mga suspek at nang makorner sa panulukan ng Sunrise at Fourth Estate, bumaba sa motorsiklo ang back rider at pinaputukan ang mga pulis.

Gumanti ang awtoridad at tuluyang tumimbuwang ang suspek habang nakatakas ang isa pa.

Narekober sa pinangyarihan ang shoulder bag ni Flores at ang .38 paltik caliber revolver ng suspek.

-Jean Fernando at Bella Gamotea