Flesh-eating disease, nakukuha sa marurumi, maiinit na lugar

Filed under Kalusugan Balita RSS RSS Feed

KINUMPIRMA ng Department of Health (DoH) na maaaring makuha ang flesh-eating disease na ‘necrotizing fasciitis’ sa loob ng mga kulungan, dahil sa pagsisiksikan ng mga bilanggo, pagiging kulob, mainit, mamasa-masa, at marumi ng lugar.

Inihayag ni Health Undersecretary Eric Domingo ang posibilidad kasunod ng pagkamatay ng isang preso ng Manila City Jail (MCJ) dahil sa naturang sakit nitong Hulyo 8.

Ayon kay Domingo, ang necrotizing fasciitis ay nagmumula sa isang simpleng sugat, na naimpeksiyon ng napakaagresibong bacteria, at ang pinakakaraniwan dito ay ang streptococcus.

Kapag dinapuan ng impeksiyon ang sugat ay unti-unti nitong kakainin at papatayin ang tissue ng pasyente.

Very progressive at mabilis, aniya, ang pagkalat ng ganitong impeksiyon at ilang araw lang ay maaaring malaking bahagi ng katawan ang maapektuhan nito. Dahil dito, mistulang naaagnas ang laman ng pasyente.

Nilinaw naman ni Domingo na hindi ito maihahawa sa pagkakadikit sa balat ng may sakit, ngunit madali itong makahawa kung nadikit ang sugat sa infected na sugat ng pasyente.

Aniya, madaling mabuhay ang bacteria sa isang lugar na ‘di hygienic, kulob, mainit, at mamasa-masa, dahil doon nabubuhay ang mga bacteria, tulad ng mga bilangguan.

“’Pag ang condition natin ay hindi hygienic lalo na kung congested area, kulob, mainit tapos ‘yung moist siyempre d’yan nabubuhay ‘yong bacteria, so ‘pag may sugat maaari natin [ito] makuha,” ani Domingo, sa panayam sa radyo.

“Hindi po ito nakukuha sa ibang tao, hindi naihahawa, halimbawa, nahipo mo lang o naano mo lang, unless na may sugat ka, at ‘yong sugat mo ang na-infect,” aniya pa. “Na-imagine naman natin ang kondisyon sa bilangguan, very congested at talagang madaling mabuhay ang mga ganitong bacteria.”

Payo naman ni Domingo, makaiiwas sa ganitong sakit kung pananatilihing malinis ang lugar, at ugaliin din ang madalas na paliligo at pagsasabon, araw-araw.

Ilan sa mga sintomas ng necrotizing fasciitis ay ang sugat na nagnanana, namumula, mainit sa pakiramdam at mabilis ang pagkalat.

Kinakailangan umanong operahan ang ganitong klase ng sugat upang maalis ang mga infected na laman, at nang healthy tissues na lang ang matira.

Antibiotic ang ginagamit na panggamot sa naturang sakit, na kinakailangang idaan sa suwero upang direktang mapunta sa ugat ng pasyente at mas mabilis na umepekto.

Kinakailangan rin umanong matukoy kung anong klaseng bacteria ang dumapo sa sugat upang matukoy ang akmang antibiotic para rito.

Mabilis naman, aniya, na gamutin ang sugat, depende kung gaano ito kalala.

Aminado naman si Domingo na posibleng maging mahal ang lunas sa sakit, depende kung ang bacteria na dumapo ay resistant sa antibiotic, dahil kinakailangang mamahaling antibiotic ang gamitin upang malunasan ito.

Madalas umanong tamaan ng naturang sakit ang mga nakatatanda na hindi na masyadong nakakalakad, at ‘di na dumadaloy nang maayos ang dugo, at ang mga nasa maiinit at maruruming lugar.

Kaugnay nito, pinayuhan ni Domingo ang mga namamahala sa mga bilangguan na kumonsulta sa mga city health office at sa DoH, upang mabigyan sila ng payo kung paano mas mapagaganda ang hygiene at health conditions ng mga preso.

-MARY ANN SANTIAGO