‘Angas ng Tondo’, POW ng PBA

Filed under Basketball Balita RSS RSS Feed

NAKOPO ni Paul Lee ang ikalawang Cignal-PBA Press Corps Player of the Week award matapos pagbidahan ang Magnolia sa back-to-back na panalo para makakuha ng playoff spot sa Commissioner’s Cup.

Naitala ng one-time MVP ang averaged 17.5 puntos, 5.5 assists at 4.0 rebounds sa panalo ng Magnolia’ kontra NLEX, 116-89, at defending champion San Miguel Beer, 101-97.

Kumana ang tinaguriang “Angas ng Tondo” ng 21 puntos, tampok ang limang three-pointers, kasama ang apat na rebounds at anim na assists para pangunahan ang Pambansang Manok kontra Road Warriors.

Laban sa Beermen, kumubra ang dating PBA Rookie of the Year ng 14 puntos, limang assists at apat na boards.

Nakasosyo ng Magnolia ang sister teams Barangay Ginebra at San Miguel sa ikalima hanggang ikapitong puwesto tangan ang 6-5 karta. Nakuha ng Pambansang Manok ang No. 7 seeding sa playoffs bunsod nang mas mababang quotient.

Makakaharap ng Magnolia ang second-ranked Alaska sa quarterfinals. Kakailangan ng mga bataan ni Chito Victolero ang dalawang panalo para makausad sa semifinals.

Ginapi ni Lee ang mga kasanggang sina Mark Barroca, Vic Manuel ng Alaska, Scottie Thompson ng Ginebra, TNT forward Troy Rosario at San Miguel stars June Mar Fajardo at Arwind Santos.

-Marivic Awitan