Andrea Torres, diosa sa ‘Victor Magtanggol’

Filed under Showbiz atbp. Balita RSS RSS Feed

MASAYA si Andrea Torres na mapabilang sa biggest GMA teleserye this year, ang Victor Magtanggol na pagbibidahan ni Alden Richards. At dahil sa mga naglabasang behind the scenes photos, nakitang laging may takip sa buhok ang karakter ni Andrea. Ano raw ba ang karakter na gagampanan niya?

Ratatoskr at Andrea

“Ako po rito si Sif, isang diosa, may power iyong suot kong hair band, ” nakangiting sagot ni Andrea. “Isa akong Norse goddess na siyang gagabay at tutulong kay Victor kapag nasa panganib siya. Kaya mag-a-action din ako rito. Kahit po katatapos ko lamang ng Alyas Robin Hood 2 na nakita naman ninyo kung paano ako makipaglaban sa mga kaaway ni Alyas Robin Hood noon, nag-training pa rin ako ng parkour para makasabay din ako sa pakikipaglaban ni Victor sa mga eksena.

“Maaaliw din kayo, lalo na ang mga batang manonood, dahil mayroon akong pet dito, si Ratatoskr. Kaya kahit kumakain kayo ng dinner, at nanonood sa amin, mag-i-enjoy kayo, makaka-relate kayo sa story ni Victor Magtanggol.”

First time na makakasama ni Andrea si Alden sa isang teleserye kaya bilib siya sa pagbibigay ng good vibes ni Alden sa set.

“Good leader ang tingin namin kay Alden sa set, ang gaan-gaan ng aura niya. Kahit anong oras talagang laging nakangiti, parang hindi napapagod sa trabaho.”

Nakikita rin daw ni Andrea ang dedication ni Alden sa trabaho tuwing magti-taping sila sa studio ng mga fight scenes nila, na nakasuot na ng costume na ang actor. Ayon pa sa aktres, exciting daw ang mga eksena at tiyak na magugulat ang mga manonood na nasanay nang makita si Alden na nagda-drama.

-Nora V. Calderon