Aktor sumimangot nang ‘di napuri ni Direk

Filed under Blind Item, Showbiz atbp. Balita RSS RSS Feed

SA isang malakihang mediacon na ginanap ngayong linggo ay pansin na pansin ng mga katoto ang facial expression ng isang upcoming actor, na ‘tila buwisit o irritable, dahil puring-puri ng direktor ang isa sa cast ng pelikula sa pagiging sobrang galing daw na artista.

Hindi sana namin mapapansin ito kung hindi kami siniko ng aming katabi at inginuso rin ng iba pang katoto ang upcoming actor.

“Halatang inggit lolo mo, hindi kasi siya binanggit ni Direk (pangalan ng direktor). Meaning, so-so lang siya sa pelikula.”

Pinagmasdan na tuloy namin ang upcoming actor. Oo nga, tumitingin siya nang palihim sa pinuring aktor, at nung nagpalakpakan ang lahat sa magagandang sinabi ng direktor ay umiling ito at pumalapak ng dalawang beses, para siguro hindi siya mahalatang iritable.

Ang upcoming aktor ay maraming teleserye na ring nagawa, pero kaagad namang pinapatay ang karakter niya. Minsan nang nabanggit sa amin ng taga-production na siya ay “mahirap katrabaho, hindi makasaulo mabuti ng linya, at saka wala namang masyadong acting, matigas!”

Nagkaroon na rin ng pelikula ang upcoming actor, at totoong medyo matigas nga ang acting niya. Wala siyang masyadong facial expression.

Pero bilib kami dahil magaling siya sa action scenes, kasi naman nag-aral talaga pala siya ng martial arts.

Minsan na naming binigyan ng mahabang espasyo ang upcoming actor dito sa Balita, at mabait naman siya, seryoso sa trabaho niya, at lagi nga raw niyang panalangin na sana ay mabigyan siya ng chance sa showbiz, dahil gusto niya talagang mag-artista.

Inisip na lang namin na baka pagod siya nung dumalo siya ng mediacon, dahil may mga lagare siya.

Sana sa susunod naming makita ang upcoming actor, maganda na ang aura niya.

-Reggee Bonoan