PH boxers, kampeon sa Kapoiri Cup

Filed under Boxing Balita RSS RSS Feed

KUMASA para sa tatlong gintong medalya ang Team Philippines sa katatapos na 2nd Kapoiri Cup Boxing International Open Tournament sa Manado, Indonesia.

Nagwagi sina female boxers Josie Gabuco at Nesthy Petecio sa kani-kanilang dibisyon, habang namayani si Ramel Macado sa men’s division para makamit ng Pinoy ang overall title na may kaakibat na insentibo na US$5,000 (P267,000).

Kumubra rin ang Philippine boxing team ng isang silver at dalawang bronze medal.

Nakuha ni Gabuco ang ginto sa women’s light flyweight division kontra Indonesian Endang, 5-0, habang nakamit ni Petecio ang titulo sa women’s featherweight kontra Yuong Thi Vy ng Vietnam, 4-1.

Naisalba naman ni Macado ang laban kay Cornelos K. Wangu Langu, 4-1, sa men’s light flyweight division.

Kinapos naman si Rogen Ladon, 2016 Rio Olympian, kay Ryuseu Baba ng Japan, 3-2, sa men’s flyweight finals, habang naiuwi nina Irish Magno at Ronald Chavez Jr. ang bronze medals.