Kris, si Atty. Gideon ang ka-date sa premiere night

Filed under Showbiz atbp. Balita RSS RSS Feed

ANG magiting na abogado ng Bicol na si Atty. Gideon Peña ang escort ni Kris Aquino sa premiere night ng I Love You, Hater. Trending sa thread ng Kris Aquino World ang pagbati sa dalawa at iisa ang sinasabi ng lahat: “Bagay na bagay”, “Sana sila na para masaya”, “Praying that he is the one, “Siya na ang forever mo”, at marami pang iba.

Kris at Atty. Gideon

Maski sinabi na ni Kris na hindi interesado sa kanya si Atty. Gideon romantically ay hindi pa rin nawawalan ng pag-asa ang milyones na tagasubaybay ng Queen of Online World and Social Media.

Hmmm, palaisipan sa amin kung sino ang tinutukoy ng Blind for Love na nakasulat sa suot na sweatshirt ni Atty. Gideon? Sa rami naman kasi ng maisusuot ng magiting na abogado ay ‘yun pa ang suot niya. At itinaon pa na magkasama sila ni Kris, na naka-sweatshirt din.

In fairness, hindi busy si Atty. Gideon, dahil may oras siya para sa premiere night. Higit sa lahat, aktibo siya sa kanyang social media account sa pagpo-post ng kung anu-ano, at may mga hugot pang linya tulad ng sinabi ni Harry Potter (daw): “Harry Potter was repeatedly told that it is futile to resist the dark lord. But he refused to stand from a position of weakness and defeatism. That made all the difference.”

May patama rin siya: “Friends who do not tell you that you are wrong when you are not good friends. The same is true with so-called patriots.”

Para na rin siyang si Kris Aquino na sa bawat post ay maraming likes at nire-retweet din bukod pa sa mga komento.

Parang gusto tuloy naming interbyuhin si Atty. Gideon Peña tungkol sa maraming bagay-bagay. May plano ba siyang maging bahagi ng showbiz, not necessarily artista kundi maging abogado ng celebrities, tulad nina Atty. Joji Alonso, Atty. Ferdinand Topacio at iba pa na laging laman ng balita dahil sa mga kasong hawak nila?

O baka naman sa pamamagitan ng social media ay inilalabas ni Atty. Gideon ang stress niya sa trabaho?

Anyway, base sa reaction naman nina Kris at Atty. Gideon, na nakuhanang magkatabi sa nakaraang premiere night, ang gaganda ng mga ngiti nila, huh? Ano kaya ang pinag-uusapan nila habang pinapanood nila ang I Love You, Hater?

Ang daming nag-abang na writers/bloggers kina Kris at Atty. Gideon sa labas ng Cinema 7 ng SM Megamall pagkatapos ng palabas pero hindi na sila nakita pa.

Maaga naming isinulat ang balitang ito kahapon kaya wala pa kaming balita kung magkano ang kinita sa unang araw ng I Love You, Hater nina Joshua Garcia, Julia Barretto at Kris, na idinirehe ni Giselle Andres, produced ng Star Cinema.

-Reggee Bonoan