CEU Scorpions, magpapakatatag sa D-League

Filed under Basketball Balita RSS RSS Feed

Mga Laro Ngayon

(Ynares Sports Arena)

11:00 n.u. — Batangas vs CEU
1:00 n.h. — Che’Lu vs AMA

MAKABALIK sa winning track ang tatangkain ng Che’Lu Bar and Grill para makamit ang unang semifinals seat sa pagsagupa kontra sa nasibak ng AMA Online Education ngayong hapon sa pagpapatuloy ng 2018 PBA D-League Foundation Cup sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Magtutuos ang dalawang koponan ganap na 1:00 ng hapon kung saan sisikapin ng Revellers na bumangon mula sa 91-83 paggapi sa kanila ng Marinerong Pilipino nitong Lunes.

Inaasahang mamumuno muli sa Revellers sina playmaker Jeff Viernes ,Jessie Collado at JayR Taganas habang makakatulong naman nila si dating TNT backup Levi Hernandez..

Sa unang laban, magtatapat naman ang Centro Escolar University at ang pumapaimbulog na Batangas-EAC ganap na 11:00 ng umaga.

Magkasalo sa kasalukuyan sa pang-4 na posisyon taglay ang patas na markang 3-3 ang Scorpions at ang Generals, mag-uunahan silang makapantay sa Skippers (4-3) sa ikatlong puwesto.

Manggagaling ang Batangas-EAC sa dalawang dikit na panalo na inaasahang gagawing buwelo ng koponan sa laban.

“It’s really hard to say what more we could do since the teams above us are really strong. I’m quite sure that they will really make some adjustments when they go up against us,” ani Batangas-EAC coach Oliver Bunyi.

-Marivic Awitan