Anne nasapak, nagkasugat-sugat sa ‘BuyBust’

Filed under Showbiz atbp. Balita RSS RSS Feed

INAMIN ni Anne Curtis sa mediacon ng pelikula niyang BuyBust, na produced ng Viva Films, na dalawang taon siyang natengga sa pelikula dahil sa kapipili ng tamang materyales.

Anne copy

“The moment it was pitched to me over the phone by Direk Erik Matti, at binanggit sa akin ni Boss Vincent (del Rosario, Jr.) I was so inspired. I was so hungry for role in the film like this, parang naka-two years yata ako sa Viva na wala akong ginagawang pelikula, kasi wala akong magustuhan. And finally when this came up, I said ‘it’s an indefinite yes!” bungad na sabi ni Anne nang tanungin siya kung bakit niya tinanggap ang pelikulang punumpuno ng aksiyon.

Kilala kasi si Anne na mahusay sa drama, at ang forte niya ay romantic comedy, kaya marami ang nagulat nang tanggapin niya ang karakter na Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) agent.

“Physically, mentally and emotionally challenging siya, tinanggap ko pa rin and I’m so, so happy with it,” sabi pa ni Anne.

Naikuwento rin ni Anne ang pinakamahirap sa mga eksenang ginawa niya sa BuyBust.

“Lahat ng eksena ko buwis-buhay dahil wala akong dobol dito. Pero ang pinakamahirap was the 3-minute scene with one shot lang na pinagpapasa-pasahan lang ‘yung camera na galing ako sa baba, akyat ako ng bubong, baba ako ng bubong, makikipag-away ako sa bubong, aakyat ulit ako tapos hanggang sa malaglag ako sa bubong in one take ‘yun. So it took us 57 takes to get it right for 3 days bago nakuha nang tama ‘yung eksena.

“You’ll see it in the movie and basta, ‘yung first day naming sinyut, nasuka-suka ako sa hirap, hindi biro ‘yun because that’s how hard it was.”

Habang nagkukuwento si Anne ay nai-imagine namin ang mga ginawa niya at napapaisip talaga kami kung paano niya ito ginawa, dahil hindi naman siya nagpadobol. Hindi mo aakalain na ang isang napaka-fragile na tulad niya ay makakagawa ng isang hard action movie.

Naunang kuwento nga ni Direk Erik sa send-Off mediacon para sa Filipino delegates na pupunta sa New York Asian Film Festival, na sponsored ng Film Development Council of the Philippines (FDCP), sobrang madugo raw ang nasabing eksena.

“Five days naming ni-rehearse, sinyut naming three days in one shot. Eto ang masayang kuwento diyan, nag-rehearse kami, siyempre ang hirap ng timing ‘di ba? Rehearsal full staff, crew and cast, sabi nga nina Vincent, Boss Vic at Dondon, ‘rehearsal lang naman ‘yan bakit nandiyan lahat?’

“Nu’ng nag-rehearse kami, madulas ang bubong kasi maulan pa. So, inayos namin ‘yung buong bubong. Walang dobol si Anne doon, sabi ko nga, kung hindi nagma-marathon (tumatakbo) ang artista ko, hindi na siguro tuloy ang eksena ko, puputol-putulin ko na lang.

“First day nag-shoot kami, take 16, sabi ko okay na, hindi na natin gagamitin (2 days). Kasi naka schedule kami ng three days. Sabi ko nga okay na hindi na natin gagamitin ang two days kaya yehey lahat. Nagpainom pa kami ganyan.

“Pag-uwi ko, pinanood ko sa malaking screen. Maraming mali, mga kalaban nakatingin sa camera. Hiyang-hiya ako, tumawag ako kay Anne. Sabi namin na may problema, na hindi maganda ‘yung take, puwede bang umulit tayo at umokey naman siya.

“Second day, 20 takes, wala kaming good takes pa. Kasi sa kalagitnaan ‘pag may mali, uulit kami. May mga sumilip sa bintana na extra o lumabas, hindi naman puwedeng i-cure. Kaya sa 3rd day, 3:00am na, wala pa kaming good takes. Iniisip ko na putul-putulin ko na lang siguro, wala na magdagdag ng isang araw.

“Si Anne rin pala nag-iisip din siya kung makakayanan pa. Basang-basa siya at nakaupo sa isang sulok. Nag-two takes ako, nakuna namin, so mga 4:30am na ‘yun.

“Grabe ang pagka-professional ni Anne. No questions asked, eh, napakatapang ng pelikula. Napakatapang ng karakter niya, hindi siya pa-sweet o santa-santita and all the way she gave it all,” detalyadong kuwento ni Direk Erik.

Sa presscon naman ng BuyBust ay natanong ang pangunahing bida kung dumating sa puntong gusto na niyang umayaw dahil sa hirap ng mga eksena, bukod pa sa nagsuka siya at nagkasugat-sugat.

“Never!” bulalas niya. “Sobra akong competitive and challenged, so I like to beat the challenge.”

Inamin din ni Anne na pumapasok siya sa It’s Showtime na pasa-pasa ang legs at mga braso at may mga sugat.

“’Yung kasal ko, buti na lang long sleeve ‘yung dress ko at hindi kita ‘yung mga sugat ko. Fresh wounds, ha, and yes this is the first time that I was ever punched in the face by a man. Hindi naman niya sinasadya, hindi lang natantiya kaya nasugat ako sa mukha. Akala ko natanggal ‘yung ngipin ko, so hinawakan ko and it’s still there. Pagtingin ko sa set puro lalaki, so ayokong umiyak kahit gusto kong umiyak. Pero ayaw ko, kasi ako lang ‘yung babae at gusto kong patunayan na kaya ko. So, yes! I was physically injured shooting this film,” buong kuwento ng aktres.

At dahil umuuwing pasa-pasa at may mga sugat si Anne ay awang-awa raw sa kanya ang asawang si Erwan Heusaff, pero hindi siya nito pinigilang gawin ang pelikula dahil nakitang gusto ng aktres ang ginagawa.

“Mas excited nga siyang mapanood ang movie, kasi alam niya kung gaano ako nahirapan dito,” saad ni Mrs. Heusaff.

Ang BuyBust ang closing film na mapapanood sa New York Asian Film Festival sa Linggo, July 15, at mapapanood naman sa bansa ang pelikula sa Agosto 1, produced ng Viva Films.

Kasama si Anne sa BuyBust sina Brandon Vera, Joross Gamboa, AJ Muhlach, Mara Lopez, Victor Neri, Alex Calleja, Levi Ignacio, Nonie Buencamino, Lao Rodriguez, at may special participation si Arjo Atayde.

-REGGEE BONOAN