4 utas, 1 sugatan sa Antipolo drug ops

Filed under Probinsya Balita RSS RSS Feed

Apat na drug suspect ang tumimbuwang habang isa pa ang sugatan matapos umanong manlaban sa awtoridad sa magkahiwalay na lugar sa Antipolo City, kahapon.

Ayon kay Rizal Provincial director, Senior Supt. Lou Frias Evangelista, isa sa apat na napatay ay kinilala sa alyas Jelo Parane, at isa pa sa mga ito ay isang menor-de-edad habang hindi pa rin nakilala ang dalawa pang napatay.

Sugatan naman sa engkuwentro si Romel Carpio, 25.

Sa imbestigasyon ng Antipolo City Police, napatay ng mga tauhan ng Antipolo City PNP at Regional Drug Enforcement Unit (RDEU) sina Parane, “Al” at dalawa pang suspek nang manlaban umano sa anti-illegal drugs operation sa Sitio Hinapao, Barangay San Jose, dakong 1:30 ng madaling araw.

Si Parane ang sinasabing kanang-kamay ng drug suspect na si Jun Calumpiano, na nauna na ring sinilbihan ng search warrant sa bahay nito sa Bgy. San Andres, Cainta, Rizal, ngunit nakatakas.

Aarestuhin na sana ang mga suspek nang manlaban umano ang mga ito naging sanhi ng kanilang pagtimbuwang.

Nasamsam sa operasyon ang siyam na pakete ng hinihinalang shabu, dalawang cal. 38 revolver, baril, at buy-bust money.

Samantala, nagsasagawa ng police visibility patrol ang mga tauhan ng Antipolo Police community precinct 2 sa Purok Silangan, Bgy. Dela Paz, Antipolo City, nang matiyempuhan sina “Al”, “Carpio” at isa pa na nag-aabutan ng hinihinalang ilegal na droga.

Nang sitahin, pinaputukan umano ng mga suspek ang awtoridad at nakipagbarilan hanggang sa sila ay masugatan.

-Mary Ann Santiago