Magdyowang aktor at singer, inabangan sa Pride March

Filed under Blind Item Balita RSS RSS Feed

SA nakaraang LGBT Pride March ay inabangan ng lahat ang kilalang aktor at singer na matagal na raw may relasyon pero itinatago lang, dahil may mga taong masasaktan kapag umamin sila, tulad ng pag-amin ng ex-girlfriend ni Sam Milby na si Mari Jasmine, na karelasyon ngayon ang direktor na si Samantha Lee.

Sa isang showbiz event ay nakatsikahan namin ang aming source na nagsabing maraming non-showbiz friends ang kilalang aktor na nagkukuwento na plano na nitong umamin ng sexual preference niya, pero nababahala siya sa magiging reaksiyon ng kanyang pamilya, lalo na at may mga anak pa siya.

Ang karelasyon nitong singer ay handa na anumang oras na umamin sa publiko ang aktor tungkol sa tunay nilang relasyon, kaya lang inirerespeto niya ang desisyon ng kilalang aktor.

Sa likod ng camera ay hindi naman daw umiiwas ang dalawa sa kanilang mga kilos, pero hindi nga lang PDA (public display of affection), dahil hindi naman lahat ng tao sa paligid ay mapagkakatiwalaan.

Matagal na naming naririnig ang balita tungkol sa singer, pero hindi kami naniniwala kasi marami siyang girlfriends, kaso hindi naman nagtatagal.

Samantalang ang kilalang aktor ay lagi namang nali-link sa mga non-showbiz executives.

-Reggee Bonoan