Saludar Bros., target ang World title

Filed under Boxing Balita RSS RSS Feed

NAKATAKDANG sumagupa si Pinoy fighter Froilan Saludar kontra WBO world flyweight champion Sho Kimura ng Japan sa Hulyo 27 sa Qingdao, China.

Ito ang unang pagtatangka sa world title ni Saludar (28-2-1,19KO’s), ang ipinagmamalaking anak ng Polomolok, South Cotabato. Noong 2014, nabigo siya sa IBF title eliminator kay Puerto Rican McWilliams Arroyo via second round TKO sa Bayamon, Puerto Rico. Nitong Hunyo, nkuha ni saludar ang No.4 bilang contender sa WBO rankings.

Ikalawang pagdepensa ito ni Kimura (16-1-2,9KO’s) matapos magwagi sa kababayan niyang si Toshiyuki Igarashi via 9th round TKO nitong Disyembre.

Napatanyag siya sa China nang agawan ng korona ang pamosong Chinese Olympic hero Zou Shiming via 11th round TKO sa Shanghai.

May tatlo pang Pinoy ang sasalang sa undercard ng boxing promotions – Sonny Katiandagho vs Baishanbo Nasiyiwula ng China, Jelbirt Gomera vs Xu Can ng China at Miel Fajardo vs Xiang Li of China.

Mauna rito sa Hulyo 13, tatangkain din ni Vic, nakababatang kapatid ni Froilan (17-3,10KO’s) na makopo ang WBO world minimumweight title laban sa kampeon na si Ryuya Yamanaka (16-2,5KO’s) sa Kobe, Japan.

Sa kasaysayan ng boxing sa Pilipinas, tangin sina Dodie Boy at Gerry Peñalosa ang magkapatid na kapwa tinanghal na world champion. Napagwagihan ni Dodie Boy ang IBF junior flyweight title noong 1983 at IBF flyweight crown noong 1987, habang nakkopo ni Gerry ang WBC superflyweight title noong 1997 at WBO bantamweight crown noong 2007.