Alam ni Halili na siya ay papatayin –PNP

Filed under Balita Archive Balita RSS RSS Feed

Alam umano ni Tanauan City, Batangas Mayor Antonio Halili na may nagpaplanong pumatay sa kanya bago pa man ito dumalo sa flag-rasing ceremony sa city hall noong Lunes.

Gayunman, ipinaliwanag ni Chief Supt. Edward Carranza, regional director ng Calabarzon Police Regional Office (PRO-4A), na nabigo si Halili na atasan ang kanyang mga close-in security aide na higpitan ang seguridad sa lugar at naiwasan sana ang naturang insidente.

“I have asked his people [and] accordingly, the mayor had been stating na he’s a target,” ayon kay Carranza.

Ayon sa pulisya, hindi nila malaman kung binanggit ni Halili sa kanyang mga kasamahan kung sino sa kanyang inaakala ang may pakana sa insidente na inilarawan ng pulisya na “spotless” at “well-planned.”

Habang isinusulat ang balitang ito, wala pa ring nakakalap na matibay na ebidensiya laban sa armado, maliban lamang sa mga testimonya ng mga testigo, closed-circuit television (CCTC) footages at basyo ng bala.

“Bakit hindi pinwestuhan yung high ground and I asked why did they [security aides] allow tall grasses to grow? Ang sabi nila, they used to cut the grass but with the onset of rainy season, medyo napabayaan so nobody was positioned in that area,” sabi pa ng opisyal.

-Martin A. Sadongdong