Cignal, lumakas sa PVL title

Filed under Volleyball Balita RSS RSS Feed

GINAPI ng Cignal ang PLDT, 25-22, 25-20, 26-24, kahapon sa simula ng kanilang best-of-3 semifinals series upang makalapit sa kampeonato ng men’s division ng Premier Volleyball League 2 Reinforced Conference sa Filoil Flying V Center sa San Juan.

Nagtala ng 20 puntos si dating UAAP 5-time MVP Marck Jesus Espejo na kinabibilangan ng 19 attack points upang pamunuan ang nasabing tagumpay nila sa Game 1.

Nag-ambag naman ng 12 at 10 puntos sa naturang panalo sa Game 1 ng HD Spikers sina Rex Intal at Ysay Marasigan ayon sa pagkakasunod.

Dominado ng top seed Cignal ang hatawan sa net matapos magtala ng 43 spikes kontra sa 31 lamang ng Ultra Fast Hitters at 11 blocks laban sa 6 lamang ng huli.

Nakalamang pa sa index errors ang Cignal, 27-21, pero nakaungos ulit sila sa digs,27-22.

Dalawang manlalaro ng PLDT ang nakapagtala ng double figure sa katauhan nina Mark Gil Alfafara at Johnvic de Guzman na may 11 at 10 puntos, ayon sa pagkakasunod.

Isang panalo na lamang ang kailangan ng HD Spikers upang makamit ang inaasam na finals berth.

-Marivic Awitan