Manay Ichu Maceda, may payo sa filmmakers

Filed under Showbiz atbp. Balita RSS RSS Feed

PINARANGALAN ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) ang isa sa mga Ina ng Industriya ng Pelikula sa Pilipinas, si Maria Azucena Vera-Perez Maceda, o mas kilala bilang Manay Ichu, sa event na A Spotlight on Mothers of Philippine Cinema na ginanap noong Hunyo 9, 2018 sa Cinematheque Center Manila.

Manay Ichu

Si Manay Ichu ay lumaki sa industriya, at mula sa pamilya na nagmamay-ari ng Sampaguita Pictures, isa sa pinakamalaking film production company sa Pilipinas mula dekada ‘30 hanggang sa ‘70. Ang Sampaguita Pictures ang gumawa ng mga klasikong pelikula na minahal ng mga Pilipino at nakapagbigay ng libu-libong trabaho sa mga filmmakers at talents.

Siya ang producer ng highly-acclaimed films tulad ng Dyesebel at Batch ‘81. Ang kanyang passion at pagmamahal sa industriya ay hindi tumigil sa paggawa ng mga pelikula.

Mula sa kinalakihan niya sa Sampaguita, tumulong siya na makita at mapahusay ang mga ahensiya na may kaugnayan sa pelikula, isang pagpapatunay na maaari kang maging isang mahalagang bahagi ng industriya ng pelikula kahit na hindi ka kasama sa paggawa ng pelikula.

Tumulong siya na maitaguyod ang Movie Work Welfare Foundation (MOWELFUND), ang Metro Manila Film Festival (MMFF), ang Film Academy of the Philippines (FAP), ang Philippine Motion Pictures Producers Association, ang Experimental Cinema ng Pilipinas at ang FDCP, kung saan siya namuno sa International Film Festival Committee (IFFCOM).

“Truly, Manay Ichu is an exceptional force in the film industry. She has helped found the current pillars of Philippine Cinema and has made steadfast strides for its further development. We are more than honored to recognize her for her life’s work,” pahayag ni FDCP Chairperson Liza Diño.

At sa kanyang speech ay may payo si Manay Ichu sa filmmakers base sa mga aral na natutunan niya sa industriya.

“Remember that aside from being an art form, this is basically a business, so you have to at least break even so you can recover your investment and produce the second film.

“Para que pa kayo magpo-produce ng bagong pelikula (kung) kayo lang ang nakakaintindi, wala namang manonood? Hindi na kayo makakagawa ng pangalawang pelikula, tandaan n’yo ‘yan. Never make a film solely to satisfy yourself. Make your film for a wide audience.”

Ibinahagi rin niya na dapat mahalin ang industriya nang hindi umaasa sa anuman sa pagbabalik.

“Love your craft and love the industry. Don’t expect anything back aside from your investment of course. Huwag mong asahang ibalik kaagad sa’yo ang ipinakita mong pagmamahal sapagkat balang araw babalik yan sa inyo tulad ng tinatamasa ko ngayon,” sabi niya.

Ang pagdiriwang ay dinaluhan ng mga espesyal na bisita na malapit sa puso ni Manay Ichu, tulad nina Ms. Gina Alajar, Ms. Nova Villa, Ms. Gloria Romero, Ms. JoAnn Bañaga ng TV5 at Regal Producer, Mother Lily Monteverde.

Ang bawat isa ay nagbigay ng espesyal na mensahe para kay Manay Ichu kabilang ang dalawa sa kanyang mga anak, si Atty. Ernest Maceda at si Ginoong Erwin Maceda na naroon kasama ng kani-kanilang pamilya. Ginawaran siya ni Chairperson Diño ng plake ng karangalan, kasama ang well wishes para sa kanyang future endeavours.

-Reggee Bonoan