Illegal recruiter kulong sa warrant of arrest

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

Sa selda ang bagsak ng isang illegal recruiter matapos maaresto sa Las Piñas City, nitong Martes ng gabi.

Nakapiit sa Las Piñas City Police si Boy Garcia Bobis, alyas Glenn, nasa hustong gulang.

Sa ulat ng Southern Police District (SPD), nadakip ng mga tauhan ng Warrant and Subpoena Section ng Las Piñas Police, sa pangunguna nina SPO4 Jay Joseph de Guzman at SPO1 Roger Albano, ang suspek sa Naga Road, Pulanglupa sa lungsod, dakong 11:30 ng gabi.

Inaresto si Bobis sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Las Piñas Regional Trial Court (RTC) Branch 201 Presiding Judge Lorna Navarro-Domingo para sa kasong large scale illegal recruitment sa ilalim ng Section 6 ng RA 8042 o Migrant Workers and Overseas Filipino Act of 1995.

Walang inirekomendang piyansa para sa pansamantalang paglaya ng suspek.

Ayon sa awtoridad, maraming nabiktima ang suspek na nangangako ng magandang trabaho sa ibang bansa, partikular sa Qatar, kapalit ng P50,000 o higit pa.

-Bella Gamotea