Glaiza, magpapaka-action star sa bagong pelikula

Filed under Showbiz atbp. Balita RSS RSS Feed

VERSATILE actress si Glaiza de Castro kaya hindi kataka-taka na kahit busy siya sa taping ng afternoon prime drama series niyang Contessa ay tinanggap pa rin niya ang offer para na gumawa ng indie film—at mukhang talagang maaksiyon ang bago niyang pelikula.

Glaiza

Ipinost ni Glaiza sa kanyang Instagram ang behind the scene photo sa ginagawang pelikula, na may bitbit siyang malaking baril at may caption itong #Liway #Cinemalaya.

Dahil dito, marami ang nag-comment na excited silang mapanood muli si Glaiza sa isang indie film, lalo pa at mukhang isang action film ito.

Wala pang ibang detalye na ibinigay si Glaiza tungkol sa character niya sa Liway, dahil focused pa siya ngayon sa Contessa. Base sa hinuha namin, mula sa pagiging sexy at palaban na Contessa sa serye ay maaksiyon naman ang karakter niya sa Liway.

Patuloy namang hinahangaan si Glaiza sa mga eksena niya bilang si Contessa. Hindi pa rin nawawala ang catfight nila ni Lauren Young, as Daniella, na laging nag-uumpisa ng away, pero lagi namang natatalo ni Contessa.

Pero ang ikinatutuwa ng mga netizens ay isa-isa nang nakapaghihiganti si Contessa ang mga taong sumira sa kanyang pamilya at sa kanyang pagkatao, kaya naging matigas at palaban siya.

Sinimulan na niya ang todong pagsira sa pangalan ng mga Imperial, sina Charito (Chanda Romero), Vito (Gabby Eigenmann) at Daniela. Inuna niya sa paghihiganti ang panganay na si Vito.

May tumulong kay Contessa na nagpadala ng video na nagpapakita na isa palang bakla si Vito, kaya nagbayad siya ng taong lalong sisira sa pagkatao ni Vito, at nakuhanan ng video ang ginagawa nito. Sa isang malaking celebration ng mga Imperial, ipinalabas ang nasabing video at malalaman na ng lahat ang tunay na pagkatao ni Vito, na kinatatakutan ng mga business associates nila.

Napapanood ang Contessa Mondays to Saturdays sa GMA 7, after ng Eat Bulaga.

-NORA V. CALDERON