3 patay, 2 sugatan sa militar vs BIFF

Filed under Probinsya Balita RSS RSS Feed

Patay ang tatlong sibilyan habang sugatan ang dalawang iba pa sa bakbakan sa pagitan ng militar at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa Midsayap, North Cotabato kamakalawa.

Sa report ng North Cotabato Provincial Police Office (NCPPO), kinilala ang mga napatay na sina Norman Kanapia Mangakop, Penindia Pilas Tumagantang, at Aida Gaga Dalgan.

Sugatan naman sina Abad Tumagantang at Rashid Dalgan Tumagantang, kapwa residente ng Sitio Makantal, Barangay Olandang, Midsayap, North Cotabato.

Ayon kay Police Supt. Bernard Tayong, tagapagsalita ng Cotabato Police Provincial Office, nagsagawa ng operasyon ang 34th Infantry Battalion Philippine Army laban sa grupo ni Mando Mamalupong, sub-commander ng grupo ni Kumander Karialan, ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).

Natunugan umano ng mga terorista ang mga sundalo at 30 minutong nagbarilan ang magkabilang panig.

Narekober sa mga suspek ang matataas na uri ng armas, mga bala at mga improvised explosive device (IEDs).

-Fer Taboy