FEU Tams, raratsada sa City Hoops

Filed under Basketball Balita RSS RSS Feed

NAKATAKDANG magtunggali ang UAAP rivals Far Eastern University at Ateneo de Manila para sa unang 25-under championship ng SMART City Hoops Summer Classic na magkakatulong na itinataguyod ng Chooks-to-Go, Rain or Shine Elasto Paint, Mighty Sports, Cignal TV, at Wilson Basketball.

Nakatakda ang pagtutuos ng Tamaraws at ng Blue Eagles ganap na 2:30 ngayong hapon sa Greenhills West Gym sa San Juan City.

Pagkatapos ng naging kabiguan sa Game Two ng championship duel nila ng Blue Eagles noong nakaraang UAAP Season 79 Men’s Basketball tournament, isinabak ni incoming second-year Tamaraws coach Olsen Racela ang kanyang koponan bilang paghahanda sa susunod na UAAP Season.

“Well, that’s what we want to develop, yung character. We joined a lot of preseason tournament para yun nga to develop character, maturity, and familiarity,” wika ni Racela.

Nakopo ng FEU ang top seeding sa torneo matapos walisin ang elimination round na kinabibilangan ng 71-70 pag-ungos sa Blue Eagles noong Abril 18.

Sa panig naman ng Blue Eagles, mula sa pagpasok na fourth-seed sa playoffs ginapi nila ang Letran Knights at UP Fighting Maroons upang umabot ng Finals.

-Marivic Awitan