Bagong nobyo ng GF, binoga ng sekyu

Filed under Balita Archive Balita RSS RSS Feed

Arestado ang isang security guard matapos na barilin ang kanyang kasamahan nang dahil umano sa selos, sa Barangay Plainview, Mandaluyong City, nitong Martes.

Hawak na ngayon ng Mandaluyong City Police si Chito Jimenez, 35, ng Bgy. San Isidro, Parañaque City, habang nilalapatan pa ng lunas sa Mandaluyong City Medical Center si Angelo Eyo, 32, security guard ng Groove Town House na nasa Bgy. Plainview.

Batay sa ulat ng Mandaluyong City Police, dakong 2:00 ng hapon nang mangyari ang krimen sa Bamboo Groove Town House.

Kuwento mismo ng suspek, dati niyang kasamahan sa trabaho si Eyo ngunit nitong Mayo ay nalipat siya ng destino sa Parañaque, pero wala pang isang buwan ang nakalipas ay nabalitaan niyang ang biktima na ang kinakasama ng kanyang nobya.

Nagalit si Jimenez, sinabing kahit na noong nakaraang taon pa sila huling nagkita ng kanyang nobya ay wala pa silang formal breakup.

Sinabi ni Jimenez na nang puntahan at kumprontahin niya si Eyo ay tinawanan at tinalikuran lang siya nito kaya hinamon niya ito ng barilan hanggang sa paputukan niya ang biktima sa tagiliran.

Tiyempo namang papadaan sa lugar ang mga nagpapatrulyang tauhan ng Police Community Precinct 2 (PCP-2) ng Mandaluyong Police at naaktuhan si Jimenez na hawak pa ang sumpak, kaya kaagad na inaresto.

-Mary Ann Santiago