Mas mataas na antas ng kampanya vs ilegal na droga

Filed under Editoryal Balita RSS RSS Feed

SA pagpapatuloy ng operasyon kontra sa ilegal na droga sa bansa, kabilang ang sunud-sunod na operasyon ng pulisya sa Metro Manila, Laguna, Rizal at Pangasinan, dalawang drug rehabilitation facility ang natapos kamakailan na itinayo mula sa ibinigay na pondo ng gobyerno ng China. Isa sa Agusan del Sur sa rehiyon ng Caraga at ang isa ay sa Sarangani sa rehiyon ng Soccsksargen sa Mindanao.

Ang pondong ginugol sa dalawang rehabilitation center ay may kabuuang P760 milyon, na tinanggap ng Department of Health (DoH) noong Nobyembre ng nakaraang taon. Bahagi na ito ngayon ng proyektong “Windows of Hope” ng ahesiya, na layong makapagbigay ng bagong buhay sa mga biktima ng pagkalulong sa droga at pagbibigay para sa restorasyon ng kanilang mga tahanan at komunidad, ayon kay DoH Secretary Francisco Duque. Naglalaman ang dalawang pasilidad ng 150 kama at recovery service center.

Para sa kanila, labis-labis ang pasasalamat ni Pangulong Duterte kina Chinese President Xi Jinping at Ambassador Zhao Jianhua. Sa pagkakatayo ng dalawang pasilidad, dalawa na lamang ngayon sa 17 rehiyon sa bansa ang walang sarling rehabilitation center—ang rehiyon ng 4B at ang Autonomous region of Muslim Mindanao.

Lubos ang suporta ng China sa pangkalahatang kampanya ng Pilipinas laban sa ilegal na droga sa maraming antas. Ang impormasyong ibinahagi ng awtoridad ng China ang naging daan sa pagkakasamsam ng P6.4 bilyong halaga ng shabu sa paghalughog sa dalawang warehouse sa Valenzuela City noong Mayo 2017. Ang malaking shipment ay kataka-takang nakalusot sa Bureau of Customs sa Maynila at nakarating sa warehouse sa Valenzuela.

Napag-alamang habang lihim na ginagawa ang shabu—metamphetamine hydrochloride sa mga laboratoryo sa bansa, malalaking shipment ng ilegal na droga ang ipinupuslit din sa Pilipinas mula sa ibang mga bansa, kabilang ang China. Nakikipagtulungan na ngayon ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa China Ministry of Public Security para sa pagbabahagian ng impormasyon at tala, kasama ang pagbibigay ng mga teknikal na kagamitan, pagpapalitan at pagsasanay na programa, at pagpapauwi sa mga nahuling suspek sa ilegal na droga.

Malaki ang naitutulong ng China sa kampanya laban sa ilegal na droga ng Pilipinas—mula sa impormasyon na ibinabahagi sa mga operasyon ng mga nagpupuslit ng droga hanggang sa pagpapatayo ng mga pasilidad para sa rehabilitasyon, tulad ng dalawang katatapos lamang sa Agusan del Sur at Sarangani.

Kailangan nating isulong ang ugnayang ito sa mas mataas na antas ng kooperasyon—upang maihinto ang pagsu-supply ng ilegal na droga sa/o malapit na pinagmumulan nito. Kailangan natin samantalahin ang malaking hakbang na ito upang sugpuin ang panganib na nagdudulot ng maraming pagkamatay at kaguluhan dito at sa iba pang panig ng mundo