‘Tulak’ dedo sa shootout

Filed under Probinsya Balita RSS RSS Feed

Patay ang isang tricycle driver matapos umanong manlaban sa mga tauhan ng Bulacan Provincial Police Office (BPPO) sa buy-bust operation sa Pandi, Bulacan.

Kinilala ng Pandi Municipal Police Station ang suspek na si Robin Nogoy na sinasabing kilalang tulak sa naturang bayan.

Nagsagawa ng buy-bust operation ang pulisya laban sa suspek at nang mahalata nito na isa lamang patibong ang nasabing transaksiyon, nanlaban umano ito at pinaputukan ang mga pulis.

Matapos makipagbarilan ay tumimbuwang ang suspek sanhi ng mga tama ng bala ng baril sa katawan, ayon sa pulisya. Nakumpiska ang limang pakete ng hinihinalang shabu at cal.38 revolver.

Inaresto naman ang isang tulak sa Barangay Sto. Domingo 2nd, Capas. Tarlac, nitong Miyekules ng hapon.

Binanggit ni Capas Police PO1 Oneal John Alimurong, dinakip ng pulisya si Jason Gatdula nang mahuli umano sa aktong binebentahan nito ng droga ang isa sa pulis na dumakip sa kanya, bandang 2:40 ng hapon. Nasamsam sa suspek ang hindi pa mabatid na dami ng droga at marked money.

-Fer Taboy at Leandro Alborote