Binalewala ang nararamdaman, dedo

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

Patay ang isang stay-in helper nang hindi kumonsulta sa doktor at ipagwalang-bahala ang pananakit ng katawan sa Binondo, Maynila kahapon.

Bangkay na nang madiskubre si Jomel Morta, 28, stay-in helper sa isang Chinese restaurant na matatagpuan sa 499 San Pedro Street sa Binondo.

Si Morta ay natagpuang patay ng kanyang pinsan na si Crisanto.

Sa inisyal na ulat ni PO3 Ryan Jay Balagtas, ng Manila Police District- Crimes Against Persons Investigation Section (MPD-CAPIS), kamakalawa lamang idinaing ng biktima sa kanyang kasamahan ang pananakit ng kanyang balakang na umaabot sa kanyang tuhod.

Sa halip na kumonsulta sa doktor, nagdesisyon umano ang biktima na magpahinga at itulog na lamang ang nararamdaman, dakong 11:00 ng gabi.

Gayunman, pagsapit ng madaling araw nagulat umano si Crisanto nang madikit sa malamig na paa ng biktima at nang tingnan ay patay na ito.

Agad ipinagbigay-alam ni Crisanto ang pagkamatay ng pinsan sa among si Edwin Uy, na siyang tumawag sa pulisya.

Isinailalim sa autopsy ang biktima.

-Mary Ann Santiago