Ang US at si PNoy ang dapat sisihin

Filed under PAGTANAW AT PANANAW Balita RSS RSS Feed

KUNG ang Pangulo ang paniniwalaan, hindi siya (Pangulong Rodrigo Roa Duterte) ang dapat sisihin sa pag-okupa at militarisasyon ng dambuhalang China sa ilang reef at isla ng Pilipinas sa West Philippine Sea-South China China (WPS-SCS), kundi ang United States at si ex-Pres. Noynoy Aquino. Para kay PRRD, tanging ang US na nagsosolong military power sa mundo ang makapipigil sa bansa ni Xi Jinping sa pamamayagpag at okupasyon noon sa mga reef na saklaw ng ating teritoryo, ngunit hindi ito kumilos.

Batay sa pinakahuling ulat, ang China ay magdi-deploy ng fighter jets sa WPS-SCS na lalong magpapalawak sa kakayahan nito upang pangalagaan ang puwersa sa kanilang mga outpost doon.

Iniulat ng Asia Maritime Transparency Initiative (AMTI) ng Washington-based Center for Strategic and International Studies (CSTS), ang pagdi-develop ng China sa Kagitingan (Fiery Cross), Zamora (Subi) Reef at Panganiban (Mischief) Reef— kilala sa tawag na “Big Three”– ay sinundan ng military deployment sa okupadong mga porsiyon ng pinag-aagawang Paracel Islands.

Naniniwala ang maraming Pinoy, gayunman, na kung dapat mang sisihin sa pag-okupa at militarisasyon ng China ay US at si PNoy, dapat ding sisihin si PRRD dahil sa pananahimik sa pambu-bully, pananakop at military deployment sa mga reef na saklaw ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng PH. Bakit ayaw niyang magprotesta ang ating bansa? Hindi naman tayo makikipaggiyera sa dambuhala.

Dalawang babae ang nakaaway na ni Mano Digong. Sila ay sina Sen. Leila de Lima at ousted Supreme Court Chief Justice Ma. Lourdes Sereno. Si De Lima ay nakakulong ngayon sa Camp Crame sa bintang na sangkot sa illegal drug trade. Si Sereno ay pinatalsik mismo ng kapwa mga mahistrado sa bisa ng quo warranto petition ni Solicitor General Jose Calida. Ang tanggapan ni Calida ay nasa ilalim ng Office of the President.

Ang pangatlong babae na “kinaaasaran” din ng ating Pangulo ay si Ombudsman Conchita Carpio-Morales. Subalit ang may “balls” na si Ms. Conchita ay matapang at palaban at hindi mabu-bully ng sino man. Bukod dito, may ALAS si Carpio-Morales kaya hindi siya makaya ni PDu30: Pamangkin niya ang ginoo ni Davao City Mayor Sara Duterte, si Atty. Mans Carpio, na anak ng kanyang kapatid na si Atty. Lucas Carpio.

Si Carpio-Morales ay nakatakdang magretiro bilang Ombudsman sa darating na Hulyo. Hindi na siya puwedeng patalsikin pa ng impeachment o ng quo warranto petition ng Office of the Solicitor General. Ang ika-apat na babae ngayon na nangangambang baka targetin din upang matanggal sa puwesto ay si Vice Pres. Leni Robredo.

Nagsasalita at sumalungat siya sa mga desisyon ng Duterte administration kapag sa palagay niya ay nasa lihis itong direksiyon, pero sumasang-ayon naman kapag nasa wastong direksiyon. Nag-aalala siyang isunod kay Sereno dahil hindi siya mapaamo o “mapayuko” ng administrasyon.

Naniniwala ang kolumnistang ito na hindi matatanggal sa puwesto si beautiful Leni sa kabila ng election protest ni Sen. Bongbong Marcos sapagkat meron siyang ALAS: Hindi masyadong galit sa kanya si PRRD. Ang kailangan lang niya ay dumalo sa okasyon na imbitado siya kasama ang Pangulo at hayaang sulyapan o titigan ni Pres. Rody ang kanyang maputing binti! Hahaha.

-Bert de Guzman

  • WARONDRUGS^_^

    TOTOO PO YUN….DAHIL SA GINAWA NI NOBNOY NA PROVOKE ANG CHINA NA MAGALIT LALO AT MAG ISIP NA SA AKALA NILA NA TAMA PARA SA KANILANG NASASAKUPAN NA ISLA…!!!