2 holdaper utas sa checkpoint

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

Ni Fer Taboy

Bumulagta sa mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group-National Capital Region (CIDG-NCR) ang dalawang holdaper na nambiktima sa dalawang call center agent sa Intramuros, Maynila, iniulat kahapon.

Sa report ni Chief Insp. Nino Lope Briones, hepe ng CIDG-Manila Office sa CIDG-NCR, dumulog sa kanyang tanggapan ang mga biktimang sina Jasmine Benitez, 21; at Aiza Joyce Carreon, kapwa ng Sta. Cruz, Maynila.

Sa salaysay nina Benitez at Carreon, naglalakad sila sa Intramuros nang lapitan ng tatlong hindi pa nakikilalang lalaki at nagdeklara ng holdup.

Kinuha umano ng mga suspek ang kanilang bag at mabilis na tumakas.

Agad nagsagawa ng follow-up operation ang awtoridad at naglatag ng checkpoint sa naturang lugar.

Sa ‘di kalayuan, natanaw ang isang motorsiklo na umiwas sa checkpoint at hinabol ng awtoridad.

Pinaputukan umano ng mga suspek ang mga pulis at ilang sandaling nagpalitan ng bala hanggang sa bumulagta ang dalawa habang nakatakas ang isa.

Nabawi sa mga suspek ang bag ng mga biktima; cal. 9mm pistol; at tatlong pakete ng umano’y shabu.