‘Adik’ dinakma sa pot session

Filed under Probinsya Balita RSS RSS Feed

Ni Light A. Nolasco

GAPAN CITY, Nueva Ecija – Hindi na nakatakbo pa ang isang lalaking umano’y lulong sa ilegal na droga nang arestuhin ng mga pulis matapos maiwan ng kanyang mga kasama sa isang sementeryo sa Gapan City, Nueva Ecija kung saan humihithit ng droga ang mga ito, nitong Sabado ng gabi.

Si Ronald Policarpio, 44, ng Barangay Sta. Cruz, Gapan City, nakakulong ngayon sa Gapan City Police Station.

Nakatanggap ng impormasyon si Supt. Peter Madria, hepe ng Gapan City police, may isang grupo ng kalalakihan na humihithit ng ipinagbabawal na gamot sa loob ng sementeryo sa Bgy. Mangino kaya nagpadala ito ng mga tauhan sa lugar.

Nang dumating ang raiding team, nagtakbuhan ang mga kasama ni Policarpio at siya ang naiwan at inaresto, dakong 8:50 ng gabi. Dalawang pakete ng umano’y shabu ang nakuha sa suspek.