Lovi Poe, pinagtatawanan lang ang bashers

Filed under Showbiz atbp. Balita RSS RSS Feed

Ni NORA CALDERON

Tumawa na lamang si Lovi Poe nang malamang bina-bash siya ng mga AlDub fans na nagagalit dahil lagi raw silang magkatabi ni Alden Richards noong nasa “Sikat Ka Kapuso” show nila sa New Jersey, USA at sa Toronto, Canada.

Lovi Poe - TOTGA set copy

“Tuwang-tuwa nga ako sa mga sumalubong na fans sa amin doon na nang makita ako, ang sabi nila “Alex, bakla!!!” Nakakatuwa na pinapanood pala nila ang romantic-comedy series naming The One That Got Away (TOTGA) na kasama ko rin sa show ang leading man ko, si Dennis Trillo.

“Ay wala akong pakialam sa kanila, basta, nag-enjoy kaming lahat sa show at bonding kaming lahat nina Dingdong (Dantes), Jennyln (Mercado) at Betong (Sumaya), for GMA Pinoy TV. What’s important napasaya namin ang mga kababayan natin doon na naho-homesick na pero hindi makauwi rito dahil may trabaho sila roon. Salamat nang marami sa kanila, dahil napasaya rin nila kami sa panonood ng show. Amazed nga kami dahil ang laki-laki ng Sony Centre for the Performing Arts sa Toronto na napuno nila.”

Sa TOTGA nga ‘babaeng bakla’ si Lovi as Alex at sa takbo ngayon ng story, parang siya na ang magiging mapalad na pinili ni Liam (Dennis) kaysa dalawa pa nitong ex-girlfriends sina Zoe (Rhian Ramos) at Darcy (Max Collins).

“Yes, at sana nga magtuluy-tuloy na ang story namin ni Liam dahil siya naman talaga ang mahal ko. Tapos na kami ni Gab (Renz Fernandez) na nalaman kong isa pala talagang bakla. Kaya hindi niya ako kini-kiss noong kami ang mag-syota, kasi pala ang gusto niyang i-kiss si Liam. Bumabalik siya muli at nakikipagkaibigan sa akin, ewan ko lamang kung ano ang talaga niyang intensyon, iyon ang aabangan natin,” natatawang dagdag ni Lovi.

First time nina Lovi at Dennis na magtambal sa isang teleserye. Una silang nagtambal sa isang movie ng Regal Films, ang My Neighbor’s Wife. Si Lovi ay sinasabing loyal Kapuso, hindi ba siya nakaisip na lumipat ng ibang network?

“Hindi po, loyal ako sa kanila, dito ako nagsimula at happy ako sa kanila, sa pag-aalaga nila sa akin. Natuwa rin ako na dito sa romcom namin, napagsabay ko ang magpatawa at mag-drama. Pero siguro po, after this, haharapin ko muna ang paggawa ng movies. May dalawang movie offers sa akin pero inaayos pa nila ang schedule ko para hindi magkaroon ng conflict.”

Inamin ni Lovi na may offer ang Imus Productions sa kanya to star with Jolo Revilla. Very okey daw sila ni Jolo, pero hindi raw niya natanggap ang offer dahil may conflict sa schedule niya. Si Rhian ang nakatambal ni Jolo sa #72 movie.