Sinalvage, isinilid sa garbage bag

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

Ni Bella Gamotea

Isang bangkay ng hindi kilalang lalaki, na hinihinalang biktima ng summary execution, ang natagpuang nakasilid sa garbage bag sa gilid ng kalsada sa Taguig City, kahapon ng madaling araw.

Inilarawan ng Taguig City Police ang biktima na nasa 25 anyos pataas, nakasuot ng pulang T-shirt at shorts, nakabalot ng plastic at tape ang ulo, nakasilid sa garbage bag at may saksak sa tagiliran.

Sa ulat ng pulisya, nadiskubre ang bangkay ng lalaki sa service road ng C-5 Heritage sa Barangay Pinagsama, pasado 12:00 ng hatinggabi.

Nagroronda ang mga tauhan ng Security Force ng Bgy. Pinagsama, sa pangunguna ni Felipe Baldoza Jr., nang matagpuan ang bangkay.

Ayon kay Baldoza, hindi residente sa lugar ang biktima at posibleng doon lamang itinapon.

Sa pagsusuri ng Scene of the Crime Operations (SOCO) ng Southern Police District (SPD), posibleng ang saksak sa tagiliran ang ikinamatay ng biktima, na nakuhanan din ng icepick sa beywang.

Blangko pa ang awtoridad kung sino ang nasa likod ng krimen, habang isinasagawa ang imbestigasyon.