Carla, agaw-eksena sa Monty Phyton’s Spamalot musical

Filed under Showbiz atbp. Balita RSS RSS Feed

Ni REGGEE BONOAN

NA-MISS namin ang manood ng musical play kaya nang imbitahan kami ng katotong Maricris Nicasio na panoorin ang Tony/Grammy/Drama Desk Award-winning musical play na Monty Phyton’s Spamalot na isa ang kaibigan niyang si Carla Guevarra-Laforteza sa cast ay talagang pumunta kami na ginanap sa Globe Auditorium, Maybank Performing Arts Theater, BGC Arts Center, Taguig City, simula nitong Abril 13 hanggang Abril 22.

Carla right side lang po 10q copy

Ang Spamalot ang best-reviewed musical comedy noong 2017 na unang ipinalabas sa Carlos Romulo Auditorium RCBC Plaza, Makati City at dahil maraming nagre-request ay hindi nagdalawang isip ang Upstart at BGC Productions na gawin ito ulit.

Puro tawanan ang lahat ng naririnig namin sa loob ng venue habang nanonod kami at agaw pansin talaga ang magandang boses ni Carla bilang si Lady of the Lake.

Pang-anim si Carla sa mga Pinay na gumanap bilang Kim sa Miss Saigon handog ng London Production mula 1995 hanggang 1997 pagkatapos ni Lea Salonga, 1989-1992.

Matapos ang dalawang taong pagganap bilang Kim sa Miss Saigon London, hindi na nagpatuloy si Carla dahil sobrang na-miss na niya ang pamilya niya kaya umuwi na siya ng Pilipinas.

Pero sadyang nasa puso ni Carla ang pagkanta at pag-arte sa entablado kaya kapag may mga imbitasyon sa kanya ay hindi niya pinakakawalan hangga’t kaya ng schedules niya.

“Love na love ko ang ‘Spamalot’, it’s the kind of production that I really want to do, kasi masaya lang siya, para lang kaming naglalaro. It’s an out-of-this-world concept but super fun at nakakatawa talaga.

“Saka I love the gowns, all my costumes here are created by Francis Libiran and the wigs I’ll be using are specially designed for me by Lynelle Hair Fashion,” kuwento ng aktres nang maka-tsikahan namin pagkatapos ng palabas.

Ang Star Magic ang namamahala sa karera ni Carla pero bihira siyang mapanood sa telebisyon dahil sa hectic nitong schedules sa teatro.

“Gustung-gusto kong magkaroon ng teleserye, ang daming offers, at plano ko nga mag-lie low pero ang daming tumawag at nagsabing, ‘Carla there’s a repeat of Spamalot, repeat of Rak of Aegis so paano,” sabi niya.

“Puwede ako guestings like as in wala akong gagawin talaga for months. Ang huli kong guesting was ‘yung Pusong Ligaw, hayun nakapag-guest ako sandali as consultant ni Beauty Gonzales, ako ‘yung kaibigan niya ro’n. May offer din daw ang Ang Probinsyano na gusto ko talaga, kaso nasasabay talaga sa play,” kuwento pa niya.

Ang huling ginawa ni Carla ay ang Matilda sa Meralco Theater nitong Nobyembre 2017 at ngayong 2018 ay itong Spamalot. Kasabay din niyang nire-rehearse ang Binondo, The Musical na mapapanood naman sa June 29 sa The Theater, Solaire.

“And I’m currently rehearsing also the Rack of Aegis, The Repeat opening also on the same week. Apat naman kaming alternate kaya kaya naman ng schedules.

“Then, I’m doing Rapunzel for Repertory Philippines.

“And may mga corporate shows din po ako kaya sa awa ng Diyos, hindi naman ako nababakante,” say ni Carla.
Nabanggit pa ni Carla na nailalabas daw niya sa play ang topak niya.

“Every character that you see on stage has little something that’s me talaga, so ganyan lang talaga ako. I really get excited sa stage kasi that’s my playground. Kaya all out ko na sa stage.

“Kasi off-stage I’m a mom, I’m a wife, tapos my family’s conservative pa so kailangan talaga pag nasal abas, meron naman akong dignidad, pero kapag nasa stage, ‘yun na,” kuwento ng aktres.

Halos lahat naman daw ng ginampanan niyang play ay masasaya tulad ng Matilda, Rak of Aegis. Lahat ng ginampanan kong roles sa theater, puro character roles lalo na kung Atlantis ang mag-hire sa akin, puro sira-ulo ‘yung character ko.

“Tapos I have a singing group called The Leading Ladies that’s with Sheila Valderrama-Martinez and Cris Villongco.
Kami kasi ‘yung leading ladies sa theater ngayon so, we have a trio and we do a lot of private and corporate shows and we recently just arrived from Asian tour sa cruise ship of Genting Dream, we did a broadway concert there. And we have a concert either September or November sa Malaysia kasi may na-meet kami na musical director na Malaysian mula sa Selangor Symphony Orchestra and gusto nilang gumawa ng fund raising concert,” kuwento pa ni Carla.

Sabi ng lahat kapag nasa teatro ka hindi kalakihan ang talent fee, pero kung katulad naman ni Carla na kaliwa’t kanan na halos sabay-sabay ang offers bukod pa sa mga corporate at private show ay buhay ka na.

Napangiti ang aktres at sabay sabing, “I’m so hashtag bless that’s why I’m so happy talaga. Nahihiya na ako sa handler ko kasi halos every week she texted me na may offer sa akin for guestings na lagi kong nahi-hindian kasi nga may rehearsals ako.”

Going back to Spamalot ay nabanggit na kung gustong manood ng hindi nakakasawang play ay ito ang perfect musical play mula sa direksyon nina Joel Trinidad at Nicky Triviño, at musical director Onyl Torres.

Kasama rin sa play sina Rachel Alejandro (bilang alternate ni Carla), Lorenz Martinez (anak ni Leo Martinez), Roxy Aldiosa, Reb Atadero, Rachel Coates, Domi Espejo, Rhenwyn Gabalonzo, Noel Rayos, Bibo Reyes, Dean Rosen, George Schulze and Chino Veguillas at choreography ng Martinez Sisters