Negosyante tinodas sa inuman

Filed under Probinsya Balita RSS RSS Feed

Ni Light A. Nolasco

CABANATUAN CITY – Dead-on-spot ang isang negosyante makaraang pagbabarilin ng hindi nakilalang lalaki habang nakikipag-inuman sa Purok 6, Tomacruz Street sa Barangay Magsaysay Norte, Cabanatuan City, Nueva Ecija, nitong Sabado ng gabi.

Kinilala ng pulisya ang biktimang si Rodrigo Pineda Sr., may asawa, ng nasabing lugar, na nagtamo ng mga tama ng bala sa katawan.

Sugatan naman sa insidente ang walong taong gulang na si Eakeisha Kiane Vinluan, nang tamaan ng ligaw na bala.

Dakong 10:00 ng gabi at nakikipag-inuman ang biktima sa ilang kaibigan sa loob ng kanilang bahay nang biglang sumulpot ang isang lalaki at ilang beses siyang binaril.

Dalawang basyo ng bala ng baril ang narekober ng mga tauhan ng Cabanatuan City Police at Scene of the Crime Operations (SOCO) sa crime scene.

Nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang pulisya hinggil sa motibo sa krimen.