Bebot huli sa pandurukot

Filed under Probinsya Balita RSS RSS Feed

Ni Leandro Alborote

CAMP MACABULOS, Tarlac City – Nagwakas na rin ang maliligayang araw ng isang 42-anyos na sinasabing ‘Dukot Queen’ matapos nito umanong dukutan ang customer ng isang food chain sa Bgy. Cut-Cut 1st, Tarlac City, nitong Sabado ng umaga.

Nakakulong na ngayon sa himpilan ng pulisya si Rosita Almansom, 42, dalaga, ng Barangay San Rafael, Tarlac.

Sa reklamo ni Bea May Navarro, 20, dalaga, ng Bgy. Mababanaba, San Jose, kay PO2 Rolando Mendoza, dakong 10:45 ng umaga nang magtungo siya sa isang food chain sa loob ng shopping mall sa lungsod upang kumain.

Habang nakapila, dinukutan na pala umano siya ng suspek at nakuha nito ang aabot sa P11,190 cash niya.

Gayunman, nabuking ng ina ng biktima ang krimen at kaagad na humingi ng tulong sa mga pulis, hanggang sa maaresto ang suspek.