4 na bata, 1 pang kaanak minasaker

Filed under Probinsya Balita RSS RSS Feed

Ni NONOY E. LACSON

Limang magkakamag-anak, kabilang ang apat na bata, ang minasaker ng isang lalaking hinihinalang desperado at sabog sa ipinagbabawal na gamot, na napatay din ng pulisya makaraan umanong magtangkang tumakas sa presinto, sa Barangay Libucon, Sirawai sa Zamboanga del Norte nitong Sabado ng hapon.

Sa salaysay ni Mahari Abdullah, chairman ng Bgy. Libucon, nadiskubre ng mga residente ang bangkay ng mag-aamang sina Majid Hali, 35 anyos; Nazer Hali, 10; at Adzmar Hali, 7, sa isang abandonadang bahay, malapit sa isang quarrying area sa nasabing barangay.

Sa mismong quarrying site naman nadiskubre ang mga bangkay ng magkapatid na pamangkin ni Majid na sina Sayder Wahid, 11; at Mohamad Said Mukaram, pitong taong gulang. Ang mga bangkay ay pawang nakitaan ng mga taga sa ulo at katawan.

Sinabi ni Abdullah na kaagad siyang humingi ng responde sa pulisya nang matukoy niyang ang suspek ay si Asdal Untong, 32 anyos.

Nang dumating ang mga pulis ay nagawa nilang mapasuko ang suspek, sa tulong na rin ni Abdullah.

Gayunman, habang nakakulong sa himpilan ng Sirawai Police ay nagtangka umanong tumakas si Untong, kaya napilitan ang mga pulis na barilin siya, at mapatay.

Narekober ng pulisya ang isang gulok na may bahid pa ng dugo na pinaniniwalaang ginamit sa krimen.

Hindi pa rin malinaw sa pulisya kung bakit nagawa ni Untong ang pamamaslang sa limang magkakaanak.