Francesca Salcedo, napapansin na sa ‘Kambal Karibal’

Filed under Showbiz atbp. Balita RSS RSS Feed

Ni NORA CALDERON

MARAMI ang nagtatanong sa mga sumusubaybay ng Kambal Karibal kung sino si Nori, ang BFF ni Bianca Umali na tulad nila nina Kyline Alcantara at Pauline Mendoza ay hinahangaan ang pagganap.

Chesca Salcedo - Kambal Karibal

Si Nori ay nakilala ni Crisan (Bianca) nang maging dorm mate niya nang mag-aral siya ng college sa Manila. Mabait si Nori at naging tagapagtanggol ni Crisan sa ina-inahan nitong si Teresa (Jean Garcia) kapag inaapi-api ang kaibigan. Kaya galit si Teresa sa kanya at tinawag siyang ‘Babaeng Panda’ dahil lagi siyang naka-black na outfit pati lipstick at mata nga lamang daw nito ang puti.

Si Nori o si Frenie ni Crisan ay ginagampanan ni Francesca “Chesca” Salcedo. Kung matatandaan ng mga sumubaybay noon ng Marimar na unang pinagtambalan nina Dingdong Dantes at Marian Rivera sa GMA-7 noong 2007, five years old lang si Chesca noon, nang gumanap bilang anak nila na si Cruzita.

Marami na rin siyang nagawang show sa GMA as a child star after Marimar. Si Chesca ay 16 years old na, nahasa na rin sa pag-arte at isa sa mahuhusay na young actress ngayon.

May third eye si Nori at naniwala siya na nakakausap ni Crisan ang kakambal na multo na si Crisel (Pauline) na malupit at selosa lalo na nang mai-in love kay Diego (Miguel Tanfelix). Kaya tinutulungan niya si Crisan na mabawi ang katawan nito na pinasok ni Crisel, at mailabas din ang kaluluwa ni Crisan na pumasok sa katawan ni Cheska (Kyline). Nakakuha ng kakampi si Nori kay Makoy (Jeric Gonzales) na naniniwala tungkol sa pagsanib ng kaluluwa ng isang patay sa katawan ng iba.

Lalong exciting ang mga eksena ng Kambal Karibal na usap-usapan ng viewers at umaani ng mataas na rating gabi-gabi.

Katunayan, kahit hindi pa nagsisimula ang airing ay nagti-trending na ang show dahil inaabangan talaga ng netizens gabi-gabi, pagkatapos ng Sherlock Jr. sa direksyon ni Don Michael Perez.