Fighting Waray, sali sa PVL Reinforced

Filed under Volleyball Balita RSS RSS Feed

Ni Marivic Awitan

ISANG bagong koponan ang nakatakdang sumalang at makipagsapalaran sa Premier Volleyball League (PVL) sa pagbubukas ng 2018 Reinforced Conference sa Mayo.

Nakatakdang makipagtunggali sa mga dati ng koponang Creamline Cool Smashers, Pocari Sweat-Air Force Lady Warriors, Bali Pure Purest Water Defenders, Banko-Perlas Spikers, at kapwa baguhang Petro Gazz Angels ang Tacloban Fighting Warays.

Nakatakdang gabayan ang Fighting Warays ng nagbabalik na beteranong mentor na si Nestor Pamilar habang susuportahan naman ang koponan ng kilalang sports patron na si Dan Palami at ng Chooks-to-Go.

Pangungunahan ang koponan ng ilang mga pamilyar na manlalaro mula sa collegiate ranks gaya nina Jovielyn Prado, Regine Arocha, at Mary Anne Esguerra ng NCAA Season 93 champin Arellano Lady Chiefs kasama ng Season MVP na si Maria Shola Alvarez ng Jose Rizal University.

Bukod sa kanila, kinuha rin ni Pamilar para sa koponan sina NCAA back-to-back Best Setter Vira Guillema, Judith Abil ng University of the East, Far Eastern University star setter Kyle Negrito, Eunice Galang, Seth Rodriguez, at Bangladesh Pantaleon.

Magsisilbi namang import ng Tacloban ang Thai legend na si Patcharee Sangmuang.