Monteverde, mananatili sa NU

Filed under Basketball Balita RSS RSS Feed

Ni Marivic Awitan

NALAGAY sa alanganin ang University of the East may anim na buwan na lamang ang nalalabi bago magsimula ang UAAP Season 81 Men’s Basketball tournament dahil hindi pa rin sila nakakahanap ng bagong head coach.

Matapos mapabalitang siya na ang papalit sa nagbitiw na dating mentor ng Red Warriors na si coach Derrick Pumaren, nagsalita na rin si National University Bullpups coach Goldwin Monteverde sa posibleng paglipat niya sa UE.

Wala namang anumang pagtanggi na ginawa si Monteverde hinggil sa negosasyon sa pagitan nila ng pamunuan ng UE ngunit sinabi nitong hindi pa siya handang iwanan ang NU dahil mayroon pa soyang trabahong kailangan tapusin.

“Mag-stay ako sa NU. May commitment pa ako rito na kelangang tapusin,” pahayag ni Monteverde.

“Mahirap naman yung biglang aalis,” dagdag nito.

Dahil dito, muling maghahanap ng karapat-dapat na kandidato ang Red Warriors upang maupo sa kanilang bench bilang head tactician.

Nakatakdang magsimula ang UAAP Season 81 sa darating na Setyembre.