PBA DL: Marinero, nakaungos sa D-League

Filed under Basketball Balita RSS RSS Feed

Ni Marivic Awitan

HINATAK ng Marinerong Pilipino ang winning run sa anim na laro matapos ang 99-83 panalo kontra Gamboa Coffee Mix-St. Clare upang pormal na umusad sa playoff round kahapon sa PBA D-League Aspirants’ Cup sa JCSGO Gym sa Cubao.

Ipinoste ng Skippers ang 31-16 kalamangan sa pagtatapos ng first period na hindi nila binitawan para makamit ang ikaanim na sunod na panalo na nag-angat sa markang 7-2.

“We’re on a roll and we want to keep on rolling going to the playoffs. Hopefully we can bring this winning attitude to our next games,” ani Marinerong Pilipino coach Koy Banal.

Pinangunahan ni Billy Robles ang nasabing panalo ng Marinerong Pilipino sa itinala niyang 19 puntos, 2 rebounds at 3 assists habang nagdagdag si Alvin Pasaol ng 12 puntos.

Bunga ng kabiguan, bumagsak ang Coffee Lovers sa 5-4 karta kasalo ang Zark’s Burger-Lyceum sa ikaanim na puwesto.

Nanguna naman si Aris Dionisio para sa Gamboa Coffee Mix-St. Clare sa iniskor nitong 17 puntos at 10 rebounds.