Lolo tigok sa bundol ng jeep

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

Ni Jun Fabon

Binawian ng buhay ang isang 85-anyos na lalaki makaraang mabundol ng jeep sa Quezon City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Chief Insp. Roldante S. Sarmiento, hepe ng Taffic Sector 5 ng Quezon City District Traffic Enforcement Unit (QCDTEU), ang biktimang si Democrito Sales y Semira, ng No. 35 Rosal Street, Barangay Payatas ng nasabing lungsod.

Sumuko naman sa awtoridad si Jesus Gargoles, Jr. y Daclan, 62, driver ng jeep (TVH-995), at nakatira sa No. 027 Purok 3, Phase 1, Payatas B, Bgy. Payatas, Quezon City.

Sa imbestigasyon ni PO2 Leonard Policarpio, naganap ang aksidente sa Mitex Road, malapit sa IBP Road, Bgy. Commonwealth, dakong 5:30 ng madaling araw.

Mabilis umano ang takbo ng naturang jeep sa kahabaan ng Litex Road nang hindi namalayan ang papatawid na biktima at nabundol.

Sa lakas ng pagkakabundol, tumilapon ang biktima sa kalsada at isinugod sa East Avenue Medical Center (EAMC) ngunit patay na ito.

Kasalukuyang nakakulong ang suspek sa QCDTEU at sinampahan ng kasong reckless imprudence resulting in homicide.