Drug suspect binistay, baby kritikal

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

Ni Bella Gamotea

Patay ang isang binata makaraang bistayin ng isang armadong sakay sa motorsiklo, na ikinasugat ng isang baby sa Makati City, nitong Lunes ng hapon.

Tadtad ng tama ng bala, mula sa hindi batid na kalibre ng baril, sa katawan si Jerome Hernandez y Dalmacio, 23, ng No. 1219-C C. Francisco Street, Barangay Kasilawan ng nasabing lungsod.

Inoobserbahan naman sa Sta. Ana Hospital ang baby na tinamaan ng bala sa ulo.

Sa ulat na ipinarating ni Chief Supt. Tomas Apolinario, Southern Police District (SPD) director, naganap ang pamamaril sa panulukan ng Cagayan at C. Francisco Sts., Bgy. Kasilawan ng nasabing lungsod, bandang 5:19 ng hapon.

May binibili sa tindahan si Hernandez, pag-aari ng pamilya ng bata, nang sumulpot ang suspek sakay sa motorsiklong walang plaka at malapitang binaril ang binata na agad nitong ikinamatay.

Tiyempo namang lumapit ang bata sa kanyang inang tindera at tinamaan ng bala sa ulo.

Mabilis na tumakas ang suspek sa hindi matukoy na direksiyon.

Sa pagsisiyasat, sinasabing kabilang si Hernandez sa bagong drugs watch list ng kanilang barangay.

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente.