24th Fr. Martin Cup, may ayuda ng Cocolife

Filed under Basketball Balita RSS RSS Feed

KASADO na ang lahat para sa paglarga ng 24th Season Father Martin’s Cup na inihahandog ng Cocolife.

Ayon kay Cocolife Vice President Joseph ‘Otep’ Ronquillo, malugod nilang inaayudahan ang Fr. Martin’s Cup dahil sa pagiging grassroot level nito kung saan ang mga kabataang basketbolista ang nabibiyayaan para sa pangarap nilang makarating sa elite level ng larangang malapit sa puso ng bawat Pilipino.

“Ito kasi ang liga ng mga kampeon.Nagtutunggali ang mga pinakamalalakas na koponan mula NCAA, UAAP, NAASCU at iba pang major leagues sa bansa kaya marapat lang na suportahan”,wika ni Ronquillo.

Sinabi naman ng pangulo ng ligang si Edmundo ‘Ato’ Badolato na ang Fr. Martin’s Cup 24th Season’s first conference ay aarangkada sa Abril 16- Hunyo 2018.Ang second conference naman ay raratsada sa Hulyo hanggang Oktubre habang ang pampinaleng third conference ay sisiklab mula Nobyembre 2018 hanggang Pebrero 2019.

Ang mga laro ay idaraos sa iba’t-ibang school gyms sa Metro Manila, ayon naman kay league commissioner Robert dela Rosa.