UNO-R, wagi sa Republic on Tour

Filed under Volleyball Balita RSS RSS Feed

Ni Marivic Awitan

MADALING naidispatsa ng UNO-R 1 tandem nina Erjane Magdato at Alexa Polidario ang nakatunggaling Team Wakanda nina Dzi Gervacio at Kassie Gormley, 21-10, 21-17,upang tanghaling kampeon sa Beach Volleyball Republic on Tour Cebu leg nitong linggo sa Beach Placid Resort sa Santa Fe, Bantayan Island.

Ginamit nina Magdato at Polidario ang kanilang liksi at lakas sa paglalaro sa buhanginan upang magtala ng impresibong pagtatapos sa dalawang araw na torneo.

Tumapos namang pangatlo ang Bacolod pair nina Bianca Lizares at Jennifer Cosas makaraang igupo ang Air Force 1 duo nina Jossa Cabalsa at Anna Abanto, 15-21, 21-18, 15-18.

Nakalagpas ng semifinals sina Gervacio at Gormley makaraang pataubin ang pareha nina Lizares at Cosas, 21-13, 21-15, habang sumalta ng finals sina Magdato at Polidario pagkaraang talunin sina Cabalsa at Abanto, 21-18, 21-11.

Sa kalalakihan, muli namang namayani ang Cebuano pair nina Jade Becaldo at Calvin Sarte ng Ato ni Bai, makaraang magwagi sa Puerto Galera leg noong isang linggo matapos itala ang 21-10, 21-15 panalo laban sa UV pair nina Kevin Jubban at Raphy Abanto.

Pumangatlo ang Air Force tandem nina Ranran Abdilla at Jessie Lopez matapos manaig kontra kina Simon Aguillon at Reuben Inaudito, ng Bacolod, 21-10, 21-17.,