Produksiyon ng mais, palay sa Negros Occidental tumaas noong 2017

Filed under Opinyon Balita RSS RSS Feed

Ni PNA

TUMAAS ang produksiyon ng mais at palay sa Negros Occidental noong 2017.

Sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), tumaas ng 73 porsiyento ang produksiyon ng mais noong 2017 na umabot sa 146,742 metric tons kumpara sa 130,167 metric tons noong 2016.

Lumawak din ang taniman para sa dilaw at puting mais na mula sa 64,899 na ektarya ay naging 68,920 ektarya noong 2017.

Ayon kay PSA-Negros Occidental officer-in-charge Joely Cabarles, ang pagtaas ng presyo ng mais na resulta ng pagtaas ng demand sa merkado, ay naghikayat sa mga magsasaka na magtanim pa ng mas maraming mais.

Sinabi ni Cabarles na ang kabuuang naaaning mais sa Negros Occidental ay napupunta sa commercial feeds production, na nakatutulong sa pagpapaunlad sa industriya ng manukan sa probinsiya.

Samantala, binanggit din ni Cabarles na ang pagpapakilala sa mga teknolohiya sa pagsasaka sa mga magsasaka sa Negros Occidental ay nagresulta sa pagtaas ng taunang produksiyon ng palay sa lalawigan.

Ito ay hindi dahil sa crop conversion, ngunit dahil sa pagpapakilala sa teknolohiyang magagamit sa pagsasaka, aniya.

Ayon sa PSA-Negros Occidental, tumaas ng 4.9 porsiyento ang produksiyon ng palay sa probinsiya noong 2017.

Nitong nakaraang taon, nakapag-ani ng kabuuang 474,874 tonelada, na tumaas ng 22,000 tonelada, kumpara sa 452,582 tonelada noong 2016.

Ayon kay Cabarles, ang pataas ng taunang produksiyon ng palay ay maaaring dahil sa epekto ng teknolohiyang ipinakilala ng pamahalaang panlalawigan, sa pamamagitan ng Office of the Provincial Agriculturist.

Aniya, bukod sa modernong kagamitan, kabilang sa teknolohiyang ipinakilala sa mga magsasaka ang paraan ng paglalagay ng pataba at lebel nito at pagkontrol sa damo.

Sinabi rin ni Cabarles na kahit pa nasimulan ng lahat ng magsasaka sa Negros Occidental ang paggamit sa modernong teknolohiya, unti-unti pa ring tataas ang produksiyon ng palay.

“With hybridization plus farm mechanization, we can expect that in the next three to five years the improvement in palay production in the province would be very evident,” sabi ni Cabarles.