PNP na-inspire kay Trump

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

Ni Martin A. Sadongdong

Sinegundahan kahapon ng Philippine National Police (PNP) ang kasiyahan ni Pangulong Duterte nang ibalita ng Presidente na kinikilala at nais gayahin ni US President Donald Trump ang kampanya ng Pilipinas laban sa problema sa ilegal na droga sa bansa.

“This is a welcome news for us. Kami naman ay natutuwa dahil siyempre nare-recognize ng US government ‘yung effort ng ating pamahalaan sa bawal na droga,” sabi ng tagapagsalita ng PNP, si Chief Supt. John Bulalacao.

Nitong Huwebes, inihayag ni Pangulong Duterte sa Davao City na “correct” si Trump nang sabihin nitong nais nitong gayahin ang kampanya ng Pilipinas kontra droga. Napaulat na sinabi mismo ni Trump: “You know the Chinese and Filipinos don’t have a drug problem. They just kill them.”

Ayon kay Bulalacao, dapat na magsilbing inspirasyon sa mga pulis ang suporta ng pangulo ng pinakamakapangyarihang bansa sa mundo sa drug war ng Pilipinas upang papag-ibayuhin pa ang pagpapatupad sa nasabing kampanya nang hindi lumalabag sa mga karapatang pantao.

“This should inspire our police officers to do more without violating any human rights so that we can really address the problem on illegal drugs,” ani Bulalacao.

Ang kontrobersiyal na drug war ni Duterte, na paulit-ulit niyang ipinangako noong nangangampanya, ang nagpanalo sa kanya noon g 2016.

Mahigit 100,000 umano’y sangkot sa droga ang naaresto, habang mahigit 4,000 iba pa ang napatay sa panlalaban, ayon sa PNP at sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA). Nasa mahigit 2,000 drug-related deaths din, o iyong pinatay ng mga hindi nakilalang suspek, ang naitala ng mga awtoridad at iniimbestigahan na ngayon.

Gayunman, iginigiit ng mga human rights organization na umabot na sa 12,000 ang mga napatay na drig suspect simula nang ipatupad ang drug war noong Hulyo 2016.