Jones, binawian ng lisensiya at pinagmulta

Filed under Sports Balita RSS RSS Feed

Ni Rafael Bandayrel

NAGKAKAISA ang mga miyembro ng California State Athletic Commission (CSAC) na alibi lamang ni dating UFC light heavyweight champion Jon “Bones” Jones ang depensa na aksidente lamang ang pagkakagamit niya ng ipinagbabawal na gamot sa araw ng laban kay Daniel Cormier sa UFC 214.

Bunsod nito, inilabas ng CSAC nitong Huwebes ang desisyon 6-0 para bawiin ang lisensya ni Jones at pagmultahin ang 30-anyos ng US$205,000.

Nagpositibo si Jones sa steroid Turinabol.

“I don’t believe we should end Mr. Jones’ career, but I do believe he should sit out for a while,” pahayag ni CSAC Executive Director Andy Foster.

Sa kanyang social media account, ikinagulat ni Jones ang desisyon ng CSAC.

“I want to thank csac [sic] for taking the time and hearing my case, and executive officer Andy Foster for saying he believes me,” pahayag ni Jones sa kanyang Twitter account.

“He passed all the tests that were surprise tests, the out-of-competition tests, but then he fails the one he knows is coming? That doesn’t make any sense whatsoever,” sambit ni Foster.

Naitala ni Jones ang TKO win kay Cormier sa kanilang pay-per-view bout noong Hulyo 2017 para mabawi ang light heavyweight title. Ngunit, kagyat din itong binawi nang magpositibo siya sa droga sa isang out-of-competition drug test.