Ayra Mariano at Bruno Gabriel, itutuloy ang pagpapakilig sa umaga

Filed under Showbiz atbp. Balita RSS RSS Feed

Ni Nitz Miralles

LAST Thursday night ginanap ang presscon ng bagong morning series ng GMA-7 na Ang Forever Ko’y Ikaw na pagbibidahan nina Camille Prats at Neil Ryan Sese. Kasama rin sa cast sina Ayra Mariano at Bruno Gabriel mula sa direksiyon nina Tata Betita at Jojo Nones. Sa March 12 ang pilot at bago mag-Eat Bulaga ang time slot nito.

Bruno at Ayra copy

Mabuti naman at pinakinggan ng GMA-7 ang request ng Kapuso fans na ituloy ang love team nina Ayra at Bruno na napansin ang chemistry nang magkasama sa G.R.I.N.D. Hopefully, hindi pa nawala ang chemistry na ‘yun at patuloy silang magpakilig sa Ang Forever Ko’y Ikaw.

Nanghinayang kami sa G.R.I.N.D. na napakagandang show, ang husay ng cast, ang galing ng director, malakas ang appeal sa millennials, pero mali lang ang time slot at kulang ng promotion. Late Saturday evening ito ipinalabas, kaya either tulog na ang viewers o kaya’y nasa labas at gumigimik.

Pero ang mga nasa bahay na nakapanood, nagustuhan ang show, lalo na nang mapunta ang story sa nade-develop ang karakter nina Ayra at Bruno dahil nga kinakitaan ng chemistry at kinilig ang viewers.

Siguradong isa ‘yun sa mga rason kung bakit muli silang pinagpareha sa Ang Forever Ko’y Ikaw dahil sayang ang na-develop na chemistry kung walang show. Kaya inalis muna si Ayra sa The One That Got Away at inilagay sa bagong morning series ng Kapuso Network.