Vice Ganda, namulat sa ganda ng buhay

Filed under Showbiz atbp. Balita RSS RSS Feed

Ni JIMI ESCALA

Vice Ganda,

Vice Ganda

MAHIGIT mahigit isang linggo matapos sumailalim sa operasyon para matanggal ang mga bato sa kanyang kidney, bumalik na sa It’s Showtime si Vice Ganda.

Na-miss nang husto ni Vice ang kanyang fans at pati na siyempre ang kasamahang hosts sa noontime show.

“Sobrang miss ko ang Showtime. Na-miss ko ang magtrabaho. Na-miss ko ang kumita, malaki-laki rin ang nawala sa akin,” sabi ng sikat na TV host.

Ayon kay Vice, mabuti na ang kundisyon ng katawan niya at wala na siyang sakit na naramdaman. Kaya puwede na siyang bumalik sa trabaho.

Sa tindi ng sakit na naramdaman, inakala ni Vice na mamamatay na siya.

“Gusto kong sumigaw noon pero hindi nila ako marinig. Nasa sahig na ako, ‘tapos namanhid ang katawan ko, kaya sabi ko dalhin na nila ako sa ospital, hindi ko na kasi kaya ang sakit. Sobra talaga ang sakit,” kuwento pa niya.

Dahil sa karanasan at pinagdaanang ito, naimulat sa kanya ang ganda ng buhay.

“Ang sarap ng buhay. Kaya dapat lang na let’s embrace our lives, enjoy our blessings sa pinakamaliit hanggang sa pinakamalaki at magpasalamat tayo araw-araw,” lahad ng sikat na TV host.

Hindi nakalimutan ni Vice ang paghingi ng paumanhin sa mga tagahanga niya na hindi niya nasipot sa isang show sa Vigan. Hindi siya nakarating sa nakatakdang concert niya dahil nga sa nangyari.

“Humingi rin ako ng tawad kina James Reid at Nadine Lustre dahil hindi ako nakasipot sa show namin. Sa madlang pipol, sorry po talaga, hindi ako nakapasok ng matagal, na-miss n’yo ako.

“Sa mga taga-Vigan naman, nangako akong darating pero hindi nakarating dahil nasa ospital ako. Ang mga nag-expect sa akin sa JaDine concert, pagpasensiyahan ninyo ang hindi ko pagdating,” seryosong banggit ni Vice Ganda.