Dagdag-singil sa kuryente, posibleng tumaas pa

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

Ni Mary Ann Santiago

Posible umanong mas tataas madagdagan pa ang nakaumang na taas-singil ng Manila Electric Company (Meralco), sa susunod na buwan.

Sinabi ni Joe Zaldarriaga, tagapagsalita ng Meralco, na inaasahang sa Marso ay papatak na ang inutay-utay na dagdag-singil sa kuryente sa 33 sentimos kada kilowatt hour (kWh), ngunit maaaring madagdagan pa ito sakaling sumadsad ang palitan ng piso kontra dolyar.

“Sakali man maging flat siya, plus the P0.33. ‘Yung P0.33 talagang kailangan mo nang i-apply ‘yon for March, so kumbaga, mayroon ka nang add-on,” paliwanag ni Zaldarriaga.

Magpapatupad sana ang Meralco ng P1.08 kada kWh na dagdag-singil sa kuryente ngayong Pebrero, ngunit dahil masyadong malaki ito ay hinati ito sa dalawang buwan.

Ang unang bahagi na 75 sentimos ay sisingilin ng Meralco ngayong Pebrero, habang sisingilin naman sa Marso ang natitirang 33 sentimos.

Unang inihayag ni Zaldarriaga na ang dagdag-singil ay bunsod ng pagbabalik sa normal na presyo ng kuryente sa power plants, na bumaba ang halaga noong Disyembre 2017 at nitong Enero.

Isa pa sa mga itinuturong dahilan nang pagtaas ng singil ay ang paghina ng piso kontra dolyar nitong Enero, bukod pa sa ipapataw sa transmission charge dulot ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.