9 patay, 23 sugatan sa ‘Basyang’

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

Ni MIKE U. CRISMUNDO, at ulat nina Restituto Cayubit, Calvin Cordova, at Chito Chavez

BUTUAN CITY – Lumobo sa 8,968 pamilya o 37,376 na katao sa iba’t ibang bahagi ng Caraga Region ang apektado sa pananalasa ng bagyong ‘Basyang’, habang siyam naman ang kabuuan ng nasawi sa bagyo sa rehiyon at sa Leyte at Cebu.

Sa Caraga, pito na ang namatay sa bagyo habang 18 ang nasugatan, apat sa mga ito ang kritikal.

Gayunman, kung idadagdag ang lima pang nasugatan sa landslide sa Leyte ay aabot sa 23 ang kabuuang nasugatan sa bagyo.

Sa landslide rin nasawi ang anim sa Carrascal sa Surigao del Sur, habang isang bata ang nalunod sa bayan ng Parcel, ayon sa situational report ng Department of Social Welfare and Development (DSWD)-Region 13.

May 64 na bahay ang nawasak sa Caraga, habang 275 ang bahagyang napinsala, at may 7,579 na pamilya o 31,941 indibiduwal ang nakatuloy ngayon sa 149 na evacuation center at pinagsisilbihan ng DSWD.

Isang dalawang-buwang sanggol na lalaki na si Christian Jay Tumandao ang nasawi sa landslide sa Leyte, habang sugatan naman ang ina niyang si Jeneza Tumandao, 29, at ang apat pang bata na sina Reynan Tumandao, Jastine Tumandao, Kim Tumandao, at Rex Tumandao, pawang taga-Sitio Calingatnan, Barangay San Pedro sa Albuera, ayon sa Leyte Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO).

Sa Cebu, nasawi si Jenas Demecillo Allones, 57, nang mabagsakan siya ng bumuwal na puno ng niyog habang natutulog sa Bgy. Madridejos sa Alegria, nitong Martes ng gabi, iniulat ng Cebu PDRRMO.

Inilikas din ang nasa 380 pamilya sa Cebu, at sinuspinde ang mga klase sa lahat ng antas.

Suspendido rin ang klase at pasok sa gobyerno sa maraming lugar sa Leyte.

Napaulat din na nalubog sa baha ang Tacloban City sa Leyte at ang mga bayan ng Sison at Mainit sa Surigao del Norte, at Jabonga sa Agusan del Norte.

Nawalan naman ng kuryente ang Kitcharao sa Agusan del Norte, at ilang tulay at kalsada sa mga lalawigan sa Surigao ang hindi madaanan.

Sa ulat kahapon ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), kumilos ang Basyang palapit sa Palawan sa bilis na 23 kilometers per hour (kph).